Malawak ang karagatan. Singlawak ito ng isipan ng tao. Ngunit gaano man ito kalawak ay mayroong simula at hangganan. Naglalaman ito ng ibat-ibang mga nilikha na nagbibigay kulay at buhay sa ilalim ng tubig.
Habang nandiriyan ang tubig, inilalarawan nito ang mukha ng langit----- ang kulay ng kalangitan.
Kapag tag-araw, ito ay kulay-asul, kapag tag-ulan, ibinabahagi nito sa paningin ng tao ang kulay ng mga ulap. Sa gabi, naaaninag dito kung ano ang mga nakikitang liwanag sa katapat niyang bahagi ng kalawakan.
Ang karagatan, ang tubig, ay ang larawan ng kalawakan. Kung gaano ito kaluwang ay ganoon din ang maaari niyang ipakita sa sinumang nakaharap, o nakaabang.
Kagaya ng isipan, animo ay wala itong hanggan, walang kapaguran sa pagtuklas sa mga bagay na ninanais niyang malaman. Subali't gaano man ito kalawak ay hindi nito maiisip ang mga bagay na wala siyang pakialam. Binibigyan nito ng puwang ang mga agam-agam, at tinutuldukan ang mga bagay na alam niyang kailangan nang masarhan.
Sa isang munting patak ng tubig, magkakaroon ito ng mga maliliit na alon (onda) sanhi ng pagkabulabog. Sa isang maliit na kadahilanan, maaaring mahalukay ang nananahimik na isipan, at ito ang magiging hudyat ng walang kapagurang paglingon nito upang alamin kung ano ang nangyayari at kung ano ang sanhi.

No comments:
Post a Comment
leave your comments here: